Mga tricycle na pumapasada sa Katipunan sa Quezon City, pinayagan muli na makapagbiyahe

Sinuspinde muna ng Metro Manila Development Auhtority (MMDA) ang panghuhuli sa mga tricycle na dumadaan sa Katipunan Road sa Quezon City.

Ito ay bunsod sa kahilingan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Quezon City government habang pinag-aaralan ng binuong Technical Working Group ang bagay na ito.

Ayon kay DPOS Head Elmo San Diego, kasama sa pag-aaralan ng Technical Working Group kung saang lugar bibigyan ng ruta ang mga tricycle lalo na ang mga dumadaan sa Katipunan area na isang national road.

Aniya, may batas sa QC na hindi maaaring daanan ng mga tricycle ang national road maliban na lamang kung sa lugar ay walang alternatibong ruta na madadaanan para sa kanilang destinasyon.

Pero nilinaw ni San Diego, tuloy pa ring huhulihin ng DPOS at MMDA ang mga colorum at overloaded na tricycle na nagsasakay ng mga mag-aaral.

Ayon sa umiiral na ordinansa ng lungsod, apat lang kasama na ang driver ang dapat na sakay ng isang tricycle .

At wala din sa ordinansa na nagbabawal magsakay ng mag-aaral ang mga tricycle. Lahat ng uri ng pasahero ay maaari nilang isakay sa kani-kanilang destinasyon.

Kamakailan ay pinaghuhuli ng Inter-Agency Council for Traffic ang mga tricycle na naghahatid ng mga pasahero at estudyante na dumadaan sa national road sa Katipunan.

Ipinagbabawal na kasi ng LTFRB ang mga tricycle na gamiting school service ng mga estudyante. | ulat ni Rey Ferrer