Mga tren ng LRT Line 2, kakabitan ng mga bagong air-conditioning units para sa mas maginhawang pagbiyahe ng kanilang mga commuters

Para sa maginhawang pagsakay ng mga commuters sa Light Rail Transit (LRT) Line 2, isasailalim ng pamunuan nito sa maintenance works ang air-conditioning units (ACU) ng kanilang mga tren.

Tugon ito sa natatanggap na reklamo ng LRT Authority (LRTA) mula sa kanilang mga pasahero hinggil sa mahinang air-conditioning system.

Ayon kay LRTA Administrator Reynaldo Berroya, 80 ACU ang papalitan sa 10 train sets sa pangangasiwa ng contractor na joint venture ng Multi-Scan Corporation at MRAIL Incorporated.

Sinabi pa ni Berroya, gagastusan ng P350-M ang proyekto na bahagi ng rehabilitation at modernization project ng LRT upang maging epektibo at episyente ang kanilang operasyon.

Dahil may 15 taon nang operational ang train line, minabuti ng LRTA na sabayan nang gawin ang replacement para na rin makatipid.

Target na makumpleto ito sa unang kwarter ng taong 2019 subalit sisikapin ng contractors na tapusin ang proyekto bago magtapos ang taon. | via Shane Juan