Mga transcriber ng Malacañang, nabiktima ng impersonator ng Pangulong Duterte

Humingi ng paumanhin ang mga transcriber ng News and Information Bureau (NIB) ng Malacañang  matapos nitong maglabas ng impormasyong base sa katuwaan lang.

Ito’y matapos magpadala ang NIB sa MPC ng transcript ng panayam ng radio station na DZRH sa impersonator ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Nitong umaga kasi ay nakapanayam ng isang radio station si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go at sa naturang interview ay tinawagan at kinausap ng mga ito ang impersonator ng Pangulo na tinawag nilang Mr. President.

Dahil sa pinadalang transcript ay agad namang ginawan ng ABS-CBN at GMA news online ng istorya ang sinabi ng impersonator na pinayagan na ng Pangulo si SAP Bong Go na tumakbo sa 2019 electiins.

Pasado ala-una kanina nang magpadala ng erratum, kung saan nililinaw na impersonator lang ng Pangulo ang nakapanayam ng mga anchors ng naturang istasyon.

Kasunod nito ay binura rin kaagad ng ABS-CBN at GMA online ang nilabas nilang istorya sa kanilang mga website. | via Nimfa Mae Asuncion