Mga totoong pulis, kukunin bilang artista sa “Ang Probinsiyano”

Pahihiramin ng Philippin National Police (PNP) ng mga totoong pulis ang production ng “Ang Probinsyano,” para mas-realistic ang pagganap ng mga pulis sa naturang palabas.

Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, ito ang isa sa mga nakasaad sa Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan ngayon sa pagitan ng PNP at mga producer ng naturang palabas.

Pero nilinaw ni Albayalde, na pahihintulutan nila ito basta’t hindi makakaapekto sa regular na trabaho ng mga pulis.

Sa MOU, tiniyak ng PNP ang kanilang pagsuporta sa naturang palabas at ipinangako ng producers na hindi nila sadyang sisirain ang imahen ng PNP.

Para matiyak na makatotohanan ang portrayal ng mga pulis sa naturang palabas, sinabi ni PNP Chief na may mga pulis din silang ipapadala sa shoot para magsilbing mga consultant.

Nilinaw naman ni Albayalde, na hindi pakikialaman ng PNP ang script ng pelikula.

May kalayaan aniya ang mga producer na gawin ang kanilang gustong kwento basta’t hindi ikasisira ng PNP, na sinang-ayunan naman ng mga producers sa MOU. | ulat ni Leo Sarne