Mga taga PCOO, pinaghahanda na sa posibilidad na mawala sa ahensiya

Sa harap ng napipintong pagkawala ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) bunsod ng inaasahang pagbabalik ng Office of the Press Secretary, may panawagan ngayon si Secretary Martin Andanar sa mga taga PCOO, na dapat na nila itong paghandaan,

May mga kasamahan siya sa ahensiya partikular na ang mga assistant secretary at under secretary ang nagtatanong kung ano ba ang magiging estado nila at nang makagawa na sila ng hakbang kung maaalis na.

Tugon naman ni Andanar sa mga kinauukulan, hindi permanente ang kanilang trabaho kasabay ng pahayag na sila ay naglilingkod at the pleasure of the President.

Sa sandaling magpasiya ang Presidente na bakantihin ang kanilang puwesto ay wala silang magagawa kundi ang sundin ang direktiba ng Pangulo.

Sa harap nito’y pinayuhan ni Andanar ang mga kasamahang assistant secretary at under secretary na ituloy lang ang kanilang trabaho at gawin pa rin ang kanilang buong makakaya habang nananatili pa ang PCOO.

Sa ngayon, ayon sa kalihim, ay pinaplantsa pa nila ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang Executive Order para sa lilikhaing Office of the Press Secretary.

Tiniyak ni Andanar, na kung magbago man ang liderato sa PCOO, siguradong tatakbo pa rin ito sa ilalim ng Office of the Press Secretary o OPS. | ulat ni Alvin Baltazar