Mga taga-Las Piñas na magpapabakuna vs COVID-19, maaaring manalo ng house and lot

Nakaisip ang lungsod ng Las Piñas ng paraan para mas mahimok ang mga residente na magpabakuna.

Sa pamamagitan ng “May Bahay sa Bakuna” vaccine incentive program, ang mga taga-Las Piñas na magpapabakuna kontra COVID-19 ay bibigyan ng insentibo.

Ayon kay Deputy Speaker at Las Piñas Representative Camille Villar sa paraang ito ay mas mahihikayat nila ang kanilang constituents na mabakunahan hindi lamang bilang proteksyon ngunit upang mapasigla muli ang ekonomiya.

Positibo rin ang kinatawan na oras na mas maraming suplay ng bakuna na ang dumating sa bansa ay marami na rin ang pipiliin na mabakunahan kontra COVID-19.

Ang naturang programa ay bukas para sa mga taga-Las Piñas na edad 18 pataas at mayroong nang first dose ng COVID-19 vaccine.

Kailangan lamang mag-fill up ng raffle ticket na makukuha sa mga barangay kung nabakunahan na at sa vaccine centers naman kung babakunahan pa lamang.

Magtatagal ang programa mula June 15 hanggang December 23.

Kada buwan ay 50 indibidwal ang maaaring manalo ng pangkabuhayan showcase na nagkakahalaga ng P5,000 habang sa grand draw naman, motorsiklo, at house and lot ang maaaring mapanalunan.

“We want to reinforce the importance of getting vaccinated for people, their families, and the community. It will not only protect people but help our economy slowly recover. Through this effort, we also have a chance to increase awareness and confidence in vaccines,” ani Villar.