Mga suspek sa pagpatay kay Fr. Nilo, nadagdagan mula sa dalawa, lima na – PNP

Mula sa orihinal na dalawang ‘persons of interest’ ay lima na ngayon ang suspek sa pagpatay kay Father Richmond Nilo.

Ito ang iniulat ni Police Regional Office 3 Regional Director, Chief Supt. Amador Corpuz sa isang press briefing sa Camp Crame.

Ayon kay Corpuz, ang pag-dami ng mga pinaghihinalaang may kinalaman sa pamamaril kay Fr. Nilo ay batay sa karagdagang CCTV footage na nakuha ng Special Investigation Task Group (SITG) Nilo.

Nakita sa CCTV na bukod sa orihinal na dalawang taong nakasakay sa motor na nakitang patungo at paalis sa kapilya kung saan naroon si Fr. Nilo, may karagdagang 3 tao na naka-motor din sa bisinidad ng pinangyarihan ng krimen.

Dagdag pa ni Corpuz, mayroon na silang pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek base sa imbestigasyon ng Special Investigation Task Group pero kinukumpirma pa nila ito.

Kanya namang tiniyak na minamadali na nila ang pagresolba sa krimen at patuloy na nangangalap ng ebidensya ang SITG.

Sa ngayon, nananatili sa 3 ang posibleng motibo sa pagpatay sa pari: away sa lupa, pagtulong ng pari sa biktima ng pangmomolestya, at alitan sa relihiyon. | ulat ni Leo Sarne