Mga suspek sa La Paz, Abra grenade explosion, kinasuhan na

Kinasuhan na ng PNP ang tatlong suspek sa pagpapasabog ng granada sa La Paz, Abra Town Plaza na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang pulis at pagkasugat ng 26 na iba pa noong January 25.

Kinilala ni PRO-Cordillera Director PCSupt Edward E. Carranza ang mga suspek na sina Joel Millare Balucas, Roel Escalante at Eljay Biyang.

Sila ay sinampahan ng two counts of Murder at Multiple Frustrated Murder sa Office of the Provincial Prosecutors Office, Bangued, Abra.

Ayon kay Carranza ang pagkakalutas sa madugong krimen ay dahil sa pagsusumikap ng kanyang itinatag na Regional Special Investigation Task Group (SITG) at pakikipagtulungan ng mga mamamayan na naging daan sa mabilis na pagtukoy at pag-aresto sa mga suspek.

Magugunitang nagpapasabog ng mga granada ang mga suspeks sa Town Plaza ng La Paz habang nagsasagawa ng fireworks display kaugnay ng pagdiriwang ng town fiesta.

Dalawang pulis ang namatay sa insidente na kinilalang sina PO3 Carlos Baccali Bocaig at PO2 Frenzel Buneng Kitoyan, kapwa miyembro ng Abra PPO.

Kabilang naman sa mga nasugatan sina Abra Rep. Joseph Sto. NiƱo Bernos at ang kanyang asawang si La Paz Mayor Menchie Bernos. | via Leo Sarne