Mga sumukong rebelde sa Occidental Mindoro, nalinlang lang daw ng CPP-NPA-NDF – Militar

Pitumpung miyembro ng New People’s Army (NPA) Communist Terrorist Group Organized Mass Base kabilang ang tatlong menor de edad ang sumuko sa militar sa San Jose, Occidental Mindoro.

Pawang mga katutubong Mangyan ang mga sumukong rebelde sa tropa ng 4th Infantry Batallion ng Philippine Army, habang nagsasagawa ng Community Support Program sa barangay Naibuan at Monteclaro.

Ayon kay Lt . Col Dennis Gutierrez, ang commanding general ng 4IB, 62 sa surrenderees ay mga miyembro ng Milisyang Bayan habang ang walo ay kasapi naman ng Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL).

Ang SPL ay nagsisilbing communist party organization sa mga sitio o barrio na naiimpluwensiyahan na ng NPA.

Base sa mga sumukong rebelde, nalinlang sila ng teroristang grupo at napaniwala na ang lupang kanilang sinasaka ay ipinagkaloob ng hukbo. Kaya tuwing anihan ay nagbibigay sila ng ilang porsiyento ng aning palay sa grupo.

Patunay din ito sa kasinungalingan nina CPP-NPA-NDF Chairman Joma Sison at Satur Ocampo, na hindi sila nagrerecruit ng menor de edad sa kanilang kilusan.

Pagtiyak pa ng militar, lahat ng sumukong rebelde ay makakatanggap ng benepisyo sa ilalim ng Enhance Comprehensive Local Integration Program (E-Clip) ng pamahalaan. | ulat ni Rey Ferrer