Mga sumukong rebelde, pauutangin ng Land Bank ng hanggang P100K

Pauutangin ng Land Bank of the Philippines ang mga kwalipikadong rebelde na sumuko sa pamahalaan ng hanggang P100,000.

Ito ay sa pamamagitan ng isang kasunduang nilagdaan sa pagitan ng Task Force Balik Loob at Land Bank of the Philippines na bahagi ng Enhanced Comprehensive Livelihood Integration Program (E-Clip) ng pamahalaan.

Ang Memorandum of Agreement ay nilagdaan ng Chairperson ng TFBL, Defense Undersecretary Reynaldo B. Mapagu, at LBP President and CEO Alex V. Buenaventura.

Sa ilalim ng kasunduan, hanggang P100,000 ang pwedeng ipautang sa mga kwalipikadong benepisyaryo para magamit sa small and micro-enterprises, agriculture at iba pang negosyo.

Para magkwalipika sa pautang, ang mga nagbalik-loob ay kailangang 21 taong gulang pataas at walang pending na kaso.

Kung sakaling hindi kwalipikado sa mga panuntunang ito ang rebel-returnee, maaari siyang mag-nominate ng kwalipikadong miyembro ng pamilya bilang kanyang kapalit sa pag-utang. | ulat ni Leo Sarne