Mga sumukong presong pinalaya sa GCTA, mahigit 100 na 

Nasa 118 presong maagang pinalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance o GCTA Law ang nagsisuko na sa iba’t ibang himpilan ng Philippine National Police (PNP) nationwide.

Ito’y kasunod ng babala ng Pangulo noong Miyerkules na ang mga hindi susuko para sa recomputation ng kanilang GCTA sa loob ng 15-araw ay ipapa-aresto sa pulis at militar.

Base sa tala ng PNP nitong linggo ng alas-6:00 ng gabi: 4 ang sumuko sa NCRPO; 5 sa PRO1; 36 sa PRO2; 3 sa PRO3; 3 sa PRO4A; 25 sa PRO4B; 13 sa PRO5; 2 sa PRO6; 10 sa PRO7; 3 sa PRO8; 2 sa PRO10; 7 sa PRO13; at 5 sa PROCOR.

Nasa 24 naman sa mga ito ang nai-turn over na sa Bureau of Corrections (BuCor), habang ang nalalabi ay pansamantalang nasa kustodiya ng iba’t ibang himpilan ng PNP.

Kabilang sa mga kasong kinasasangkutan ng mga nagsisiko ang rape, murder, homicide, arson, kidnapping, at iligal na droga.

Una nang kinuwestyon ng Pangulo ang pagkakabilang ng mga nahatulan ng “heinous crimes” sa mga maagang napalaya dahil sa GCTA, at sinabing kailangang ma-account ang lahat ng mga ito ng dead or alive.