Mga smugglers, totokhangin na rin — BuCor Chief Bato Dela Rosa

Balak ni dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Bureau of Corrections Director General Ronald Bato Dela Rosa na ipatokhang na rin ang mga smuggler.

Ito ang inihayag ni Dela Rosa matapos siyang mahirang bilang pangulo ng Anti-Crime Council of the Philippines na pormal na inilunsad kahapon sa Fairmont Hotel sa Makati.

Ang multi-sectoral Anti-Crime Council ay binubuo ng mga opisyal ng Philippine law enforcement agencies, mga business leader, mga kinatawan ng civic groups, mga miyembro ng academy at NGO’s.

Ang grupo ay itinatag para palakasin ang criminal justice system ng bansa sa pamamagitan ng paglaban sa lahat ng uri ng kriminalidad kabilang ang smuggling.

Kasabay ng pagtatag ng anti-crime council, isinagawa ang unang Anti-Illicit Trade Summit na kung saan tinalakay ang problema sa smuggling na nagreresulta sa tinatayang 900 bilyong pisong pagkawala sa kita ng pamahalaan taun-taon.

Bilang pangontra sa smuggling sinabi ni Dela Rosa na dapat ay tokhangin na rin ang mga known smuggler para pakiusapang itigil na ang kanilang aktibidad.

Maari daw ipaubaya ang pag-tokhang ng mga tiwaling negosyante sa regional at district mobile forces ng PNP sa pakikipag-koordinasyon sa Bureau of Customs na siyang pangunahing responsable sa pagsugpo ng smuggling. | via Leo Sarne