Mga shipyard na nagdudulot ng polusyon sa karagatan sa Navotas Fishport at Delpan sa Maynila, inaksyunan na ng DENR

Pinuna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang maruming karagatan sa mga shipyard sa Navotas Fish Port at Delpan sa Manila Bay.

Nakita ito ng DENR kasama ang Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP)-Maritime Group nang magsagawa ng inspeksyon sa mga marine vessel.

Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda ,base sa kanilang nakita walang malinaw na proteksyon ang karagatan sa wastewater at mga kalawang mula sa mga marine vessels na nakadaong at dumadaan sa pagsasaayos.

Sinabi nito na ipatatawag niya ang mga may-ari ng shipyard at hihingin ang kanilang tulong at suporta para tugunan ang problema.

Banta pa ni Antiporda, mapipilitan ang ahensiya na magsampa ng kaso laban sa kanila kung hindi makakasunod sa environmental laws.

Ngayong araw, ginugunita ng DENR ang pagdiriwang ng World Environment Day.