Mga senior citizen na hanggang 70 ang edad, hiniling na payagan na ring makalabas

Isang liham ang ipinadala ni Senior Citizen partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes kay Pangulong Rodrigo Duterte na humihiling na payagan na rin ang senior citizens na may edad na hanggang 70-years-old, sa listahan ng mga taong maaaring payagang lumabas ng bahay.

Apela nito sa Pangulo na palawigin ang coverage ng pagbawi sa age-based stay-at-home restrictions at iba pang benepisyo gaya ng nakasaad sa Resolution No. 79-2020 na ipinalabas ng Inter-Agency Task Force o IATF

Sa ilalim ng IATF resolution, ang mga may edad na 15 hanggang 65 ay pinapayagan nang lumabas ng bahay.

Aniya, kung mapapayagan nang makalabas muli ang mga matatanda hanggang edad 70 ay makatutulong rin sila para pagpapasigla muli ng economic activities.

Punto pa nito na maliit lamang ang infection fatality rate sa mga senior citizen edad 65 hangang 70.

Makatutulong rin aniya para sa may 2.5 million senior citizen na makalabas ng bahay lalo na ngayong magpapasko para mabisita ang kanilang mga kaanak at apo at mailayo sa depresyon.

Batay aniya kasi sa mga ulat, tatlo sa kada sampung matatanda ang nakararanas ng depresyon kasunod ng isolation dahil sa community quarantine. Kasabay naman nito ay muling ipinaaalala ni Ordanes sa SSS at GSIS at maging sa DSWD na ibigay na ang nalalabi o unreleased pension ng mga seniors at tiyakin din na on time matatanggap ang buwanang pension ng mga ito.