Mga senador, umaasa na maipatutupad nang tama ang hatol laban sa mag-asawang employer ni Demafelis

Umaasa ang mga senador na hindi hanggang sa papeles lamang ang hatol na iginawad ng isang Kuwaiti court laban sa mag-asawang Lebanese-Syrian na employer ng namatay na OFW na si Joanna Demafelis.

Para kay Senador Ping Lacson, ang “conviction in absentia” ng mag-asawang employer ni Demafelis ay lumalabas na parang isang napakagastos na tagumpay para sa pamilya ng biktima at para sa sambayanang Pilipino, kung saan masasabi lang umano na nakamit na ang hustisya sa pagkamatay ni Demafelis kapag naipatupad na ang sentensya laban sa mga may sala.

Gayunpaman, naniniwala si Lacson na dapat pa ring papurihan ang Kuwaiti government sa mabilis na paglilitis at maging sa desisyon o hatol na naibaba ng korte laban sa mga pangunahing suspek sa pagkamatay ni Demafelis.

Sa bahagi ni Senador Sonny Angara, konsuelo na lang umano para sa pamilya ni Demafelis ang nasabing hatol ng kamatayan sa mga employer-suspek.

Umaasa rin si Angara na ang parusang bitay na iginawad ng Kuwaiti court ay magiging deterrent para sa pagkakaulit ng kahalintulad na pangyayari sa hinaharap laban sa mga OFW at sa iba pang migrante.

Tinuran naman ni Senador Joel Villanueva na isang welcome development ang desisyon ng Kuwaiti court laban sa mga employer ng namatay na OFW subalit katulad din ng mga kapwa senador, kanyang sinabi na sana’y mabilis na maipatutupad ang naging hatol sa mga may sala. | via Jojo Ismael