Mga senador, pinakikilos ng commuter group dahil sa 3-strike policy ng TRB sa mga insufficient balance ng RFID

Sumulat na ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) kay Senator Grace Poe para hikayatin ang mga mambabatas na imbestigahan ang “three strike policy” na ipatutupad ng Toll Regulatory Board (TRB) sa mga radio frequency identification na insufficient balance. 

Sa kanyang liham, sinabi ni Atty. Ariel Inton, pangulo ng LCSP, dapat umanong panghimasukan na ng Senado ang kautusan na ito ng TRB. 

Simula kasi sa May 15, 2021, epektibo na ang kautusan ng TRB na naglalayong hulihin ang mga motorista na walang sapat na pondo sa kanilang RFID kapag gumagamit ng mga expressway. 

Sa ilalim ng polisiya, ang unang lalabag ay bibigyan ng warning, sa ikalawang paglabag ay iisyuhan ng ticket, at ikatlong paglabag ay iisyuhan ng tiket at kukumpiskahin ang lisensya. 

Sinabi ni Inton na dapat umanong silipin ng mga senador ang kautusan na ito ng TRB lalo pa at hindi dumaan sa public hearing. 

Hindi pa rin daw naaayos ng TRB at mga expressway operators ang maraming problema sa RFID tulad ng real time na pagpapa-load at ang mga glitches sa mga tollgate. 

Ang mga problema daw na ito ay matagal nang usapin na halos hindi naman nabibigyan ng solusyon ng mga myembro ng TRB at operators.