Mga senador, pabor sa planong pagsasapubliko ng barangay narco-list bago idaos ang Barangay at SK Elections

Pabor ang mga senador sa planong pagsasapubliko ng barangay narco-list bago idaos ang Barangay at SK elections ngayong Mayo.

Sinabi ni Senate President Koko Pimentel na mahalagang mailabas na ang sinasabing narco-list upang may panahon pa ang mga nasa listahan na linisin ang kanilang pangalan kung sila’y interesadong gawin ito.

Sa totoo ani Pimentel, ang pagsasapubliko nito ay mas pabor para sa lahat. Sa halip na ito’y panatilihing sekreto at magamit ng mga tiwaling tao para sa kanilang extortion activity.

Para kay Senador Gringo Honasan, chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, nararapat lamang umanong ma-neutralize nang naaayon sa batas ang mga kumpirmado at beripikadong barangay officials na sangkot sa iligal na droga.

Sa bahagi ni Senador Sonny Angara, mahalaga umanong malinawan na ang listahan ay hindi pa conclusive kapag wala pang kaukulang kasong naisasampa sa mga taong nasa narco-list.

Para naman kay Senate Majority Leader Tito Sotto, kaniya na lang daw hihintayin ang Pangulong Duterte na siyang may authority na magpasya kung iri-release o hindi ang nasabing barangay narco-list. | via Jojo Ismael