Mga senador, nanawagan para sa pantay na pagtrato sa mga miyembro ng LGBT community

Ilang mga senador ang nagpahayag ng suporta sa pagpapasa ng isang panukalang batas na naglalayong bigyan ng proteksyon ang mga miyembro ng LGBT community mula sa diskriminasyon.

Ito ay matapos ang insidente ng paghuhuli at pagkulong sa isang transgender woman, dahil gumamit ito ng pambabaeng comfort room.

Muling isinulong ni Senador Risa Hontiveros ang pagpapasa ng Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality Bill.

Ayon sa senadora, panahon na upang manindigan para sa kanilang mga karapatan, at huwag nang hayaan na mayroon uling maalipustang LGBTQI o Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer or Questioning, and Intersex, dahil lamang sa kanilang kasarian.

Sinegundahan rin ni Senador Imee Marcos, na kilala ring LGBT rights advocate, ang pagpapasa ng SOGIE bill.

Samantala, sinabi naman si Senador Christopher ‘Bong’ Go na nakausap na niya ang nagtataguyod ng SOGIE Bill sa Kamara na si Representative Geraldine Roman, upang makipagtulungan sa pagpapasa ng naturang panukalang batas.

Binigyang-diin rin ng senador na lahat tayo ay pantay-pantay sa ilalim ng batas, kaya’t dapat tiyakin, lalo na nilang mga nasa lehislatura, na lahat ng Pilipino ay itinatrato nang patas, anuman ang kanilang relihiyon, etnisidad o kasarian.