Mga senador, magpupulong kaugnay ng kaguluhang nalikha ng pagsadsad ng Xiamen Airlines

Magpupulong sa isang caucus ang Senate Committee on Public Services sa pangunguna ni chairperson Sen. Grace Poe upang kunin ang pulso ng bawat miyembro ng komite ukol sa pagkukulang o pananagutan ng airport officials kaugnay ng kaguluhan na likha ng pagsadsad ng Xiamen Airlines noong Agosto 16.

Bagama’t, may nabuo nang inisyal na obserbasyon, sinabi ni Sen. Poe na kailangan pa rin niyang makuha ang approval ng mga miyembro ng kanyang pinamumunuang komite na nagsagawa kahapon ng pagdinig ukol sa mga kaganapan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraan ang pagsadsad ng Xiamen Airlines sa runway.

Tinukoy ni Poe na karamihan sa kanila ay may nakitang pagkakamali sa bahagi ng management ng NAIA at ng DOTr pero karamihan din sa kanila ang nagbigay-papuri sa mga opisyal ng NAIA at DOTr sa kanilang maingat na pagtugon sa naturang sitwasyon.

Ayon sa mambabatas, balak pa niyang magpatawag ng isa pang pagdinig upang matukoy nang husto kung anong lehislasyon ang maaaring kailangan para maresolba ang anumang pagkukulang sa  pagpapatakbo ng ating mga paliparan lalo na ang NAIA na siyang pangunahing airport sa bansa.

Maingat ding titingnan sa komite kung may pangangailangan para mapanagot ang ilang opisyal sa naganap na kaguluhan sa NAIA noong araw na iyon.  | ulat ni Jojo Ismael