Mga senador, iginiit ang karapatan sa pagdedetine sa 3 BuCor official

Iginiit ng mga senador na mayroon silang karapatan at kapangyarihan na i-detain ang tatlong Bureau of Corrections (BuCor) officials na isinasangkot sa mga anomalya sa naturang ahensya.

Ito ay matapos maghain ng petition for habeas corpus sa Court of Appeals (CA) ang tatlong BuCor official na pina-contempt ng mga senador sa pagdinig noong nakaraang linggo.

Kabilang dito sina BuCor Legal Chief Atty. Frederic Anthony Santos, BuCor Records Division Head Ramoncito Roque at Dr. Ursicio Cenas, medical officer ng New Bilibid Prison (NBP) hospital.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol pa rin sa GCTA law at mga anomalya sa BuCor, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na mayroon ng desisyon ang Supreme Court tungkol sa isyung ito.

Partikular na kinuwestiyon rin ito sa SC noong 2017 ng isa sa mga resource person sa imbestigasyon ng senado tungkol sa pagkamatay ng UST law student na si Horacio Castillo dahil sa fraternity hazing.

Base sa desisyon ng SC, sinasabing may kapangyarihan ang senado na i-contempt o huwag palayain ang isang indibidwal hangga’t hindi natatapos ang legislative inquiry.

Sinang-ayunan rin nina Senador Ping Lacson at Gordon ang naturang pahayag.