Mga senador, ‘di makapaniwala sa pahayag umano ng NEDA na mabubuhay nang maayos ang 5 kataong pamilya sa P10K kita kada buwan

Hindi makapaniwala ang mga senador sa pahayag ng National Economic Development Authority (NEDA) na umano’y kayang mabuhay nang marangal at maayos ang isang limang kataong pamilyang Pilipino sa kitang P10,000 kada buwan.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, mahirap umanong paniwalaan ang komputasyon ng NEDA.

Hinamon ni Recto ang mga taga-NEDA na kanilang ibaba ang kanilang sahod sa P10,000 kada buwan sa loob ng tatlong buwan at tiyak umanong magbabago ang kanilang kalkulasyon.

Para naman kay Senador Chiz Escudero, kanyang sinabi na hindi niya alam kung aling planeta ang tinutukoy ng mga taga-NEDA sapagkat nakakatiyak umano siya na hindi ang Metro Manila o ang Pilipinas ang kanilang tinutukoy.

Sa bahagi ni Senador Ping Lacson, kanyang sinabi na ang mga Pilipino ay maaari lamang mabuhay sa pamamagitan ng P10,000 kada buwang kita kung titigil na sila sa paghinga.

Agad din namang pinasinungalingan ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon na mayroon siyang ginawang ganoong pahayag at sinabing maaaring nabigyan lamang ng ibang pagkakaintindi ang buong isyu. | ulat ni Jojo Ismael