Mga sangkot sa hazing kay PMA Cadet Dormitorio, tiyak na mananagot

Siniguro ng Palasyo na mananagot ang mga nasa likod ng pagkakapaslang kay Philippine Military Academy (PMA) Cadet 4th class Darwin Dormitorio dahil umano sa hazing.

Ito ang tiniyak ni Presidential Chief Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo sa harap ng hinihingi ngayong hustisya ng mga naiwang pamilya ng namatay na kadete ng PMA.

Kaugnay nito, limang pangalan na ang tinumbok ng Baguio Police na may kinalaman sa pagkakasawi ni Dormitorio.

Una dito ay nagpahayag si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na ito na sana ang huling pagkakataon na may masisirang pangarap bunsod ng trahedyang dulot ng hazing.

Dapat na aniya itong matuldukan at sapat na ang isang buhay at isang pangarap na nawala dahil sa hazing.