Mga sample na isinailalim sa sequencing, naungusan na ng Delta variant

Nalagpasan na ng Delta variant ang mga kasong naitala ngayon ng Philippine Genome Center.

Sinabi ni Dr. Cynthia Saloma, Executive Director ng Philippine Genome Center na mula sa mga sample na kanilang isinailalim sa Genome sequencing, ay mas marami na ang Delta variant ang natutukoy kumpara sa ibang variant, tulad ng Beta at Alpha.

Base sa impormasyong hawak nito, mula Abril hanggang Agosto ngayong taon, ay 42% ng sample ang isinumite sa kanila ay mga kaso ng Delta variant.

Aniya, sa iba pang bansa sa mundo ay Delta variant din ang nangunguna sa mga naitatalang kaso, maliban na lamang sa South America kung saan Gamma cases umano ang pinakamarami.

Sinabi pa ni Saloma na sa kabuuan ay may nai-record silang 807 na mga kaso ng Delta variant.

Mahigit 700 dito ay gumaling na, 17 ang nasawi, habang 14 ang nasa aktibong kaso o nagpapagaling.

Ayon pa kay Dr. Saloma, sa mga specimen na sumailalim sa genome sequencing mula Agosto 11 hanggang 12 ay mahigit sa 300 ang naitalang Delta variant cases.

Mas mataas ito kumpara sa naitalang 142 kaso ng Alpha variant, 125 Beta variant at 54 na kaso ng P.3 variant.