Mga resolusyon upang pag-aralan ang pagiging epektibo ng Ivermectin bilang alternatibong lunas sa COVID-19, inihain sa Senado

Dalawang senador ang naghain ng magkahiwalay na resolusyon upang hikayatin ang mga nararapat na ahensya ng gobyerno na pag-aralan ang posibleng paggamit sa gamot na Ivermectin bilang pangontra sa COVID-19. 

Sa ilalim ng Senate Resolution 697 na inihain ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr,, hinihimok ang Food and Drug Administration (FDA) na agad na pag-aralan at maglabas ng resulta tungkol sa paggamit ng Ivermectin bilang gamot sa COVID-19. 

Paliwanag ng senador, lahat posibleng lunas para sa COVID-19 ay dapat ikonsidera at pag-aralan ng pamahalaan sa lalong madaling panahon.

Samantala, sa ilalim naman ng Senate Resolution 698 ni Senador Manny Pacquiao, hinihikayat ang FDA, Department of Health (DOH) at Department of Science and Technology (DOST) na tingnan ang pagiging epektibo ng Ivermectin bilang alternatibong gamot sa pag-iwas o pagpapagaling ng COVID-19.

Giit ni Pacman, ang Ivermectin ay isang abot-kayang gamot na tinitingnan bilang posibleng alternatibong lunas kontra sa coronavirus disease.

Gayunpaman, batid aniya ng senador na bago ito gawing available sa publiko ay dapat muna itong aprubahan ng ating mga health authorities kabilang ang FDA.