Mga nagjo-jogging sa BGC, Taguig City kahit may ECQ, aarestuhin na

Nagbanta ang lokal na pamahalaan ng Taguig sa mga residente, partikular sa mga taga-Bonifacio Global City na aarestuhin na ang sinumang mahuhuling nagjo-jogging at iba pang outdoor activities sa kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine.

Nakarating kasi kay Mayor Lino Cayetano ang ilang litrato at video kung saan makikita ang ilang pasaway na residente sa BGC na nagjo-jogging sa pampublikong lugar kahit na may limitasyon ang paglabas ng bahay.

Ayon sa city government, ito na ang huling warning sa mga residente at hindi na magdadalawang-isip ang mga awtoridad na hulihin sila sa susunod.

Labinlimang indibidwal na ang nahuling lumabag sa ECQ sa BGC kabilang na ang ilang mga dayuhan at 500 sa buong lungsod.

Para matiyak na mananatili sa bahay ang mga nasasakupan, mamamahagi umano ang LGU ng sim cards na may internet allocation sa libu-libong pamilya.

Sa pinakahuling tala, isa ang bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod partikular sa Barangay Central Signal at sa kabuuan ay aabot na ito sa 133.