Mga residente sa Bohol na nagsilikas dahil sa bagyong Samuel, nakauwi na – DSWD

Isinara na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang lahat ng evacuation centers sa lalawigan ng Bohol nang magsibalikan na sa kanilang bahay ang mga pamilya na naapektuhan ng bagyong Samuel.

Maliban sa dalawang evacuation centers sa Cebu na nanatiling bukas pa at okupado ng ilang pamilya.

Gayunman tiniyak ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Glenda Relova, na patuloy pa rin silang imo-monitor ng DSWD para sa anumang pangangailangan.

Base sa datos ng DSWD Disaster Response and Management Bureau, umabot sa 17,141 pamilya o 61,574 katao ang naapektuhan ng bagyong Samuel sa 128 barangays sa Regions 5 at 8.

Bagamat nakalabas na ang bagyong Samuel, nanatiling nakaalerto ang DSWD dahil sa isa pang sama ng panahon na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Huling namataan ang severe tropical storm na may international name na Man-yi sa layong 1,645 kilometro sa may Silangan bahagi ng Visayas.  | ulat ni Rey Ferrer