Mga residente sa Baseco sa Maynila, ikinasa ang “petition signing” laban sa reclamation projects sa Manila Bay

Nagkaisa na ngayon ang mga residente ng Baseco at church workers para tutulan ang planong reclamation projects sa Manila Bay.

Ngayong araw sinimulan ng mga apektadong residente ang anilay ‘Pirma laban sa Reklamasyon’ o petition signing na ginawa sa Malate Catholic Church sa Manila City.

Hihilingin nila kay Manila Mayor Isko Moreno na pigilan ang proyekto at ikunsidera na pag-aralan muna ang planong reclamation sa baybaying dagat.

Kasamang nanawagan sa alkalde ang Baseco People’s Alliance at Manila Urban Poor Network, na anila’y magdudulot daw ng pagkawatak-watak at pagpapaalis sa mga residente at bantang pagkasira sa lugar kapag itinuloy ang proyekto.

Igigiit din ng mga residente sa pamahalaan ang pangangailangan na kanlungan at kabuhayan ng mga tao.

Bukas, ang ika-100 araw na panunungkulan ni Mayor Isko bilang alkalde ng lungsod Maynila.