Mga residente ng Pateros, papayagang mamili sa Comembo, Makati

Pahihintulutan nang mamili sa kalapit na palengke sa lungsod ng Makati ang mga residente ng bayan ng Pateros.

Ayon kay Pateros Mayor Ike Ponce, resulta ito ng pakikipagpulong niya kay Makati City Mayor Abby Binay, para matulungan ang kanyang constituents na makapamili ng pangangailangan.

Simula ngayong araw, ay papayagan ang mga residente ng Pateros na makapamili sa Comembo Market o Talipapa mula 6 AM hanggang 10 AM.

Kailangan lamang dalhin ang kanilang quarantine pass at magsuot ng face mask para makalusot sa checkpoint.

Samantala, tuloy-tuloy na nakakatanggap ng donasyon ang lokal na pamahalaan mula sa mga karatig-lungsod at pribadong sektor.

Nagsimula na ring mamahagi ng relief goods ang local government unit (LGU) sa mga apektadong residente, at tiniyak na bagamat hindi agarang maihahatid ay mabibigyan naman ang lahat.