Mga residente ng Agoncillo, Batangas, nakahanda na sa posibleng paglikas

Nakahanda ang lokal na pamahalaan ng Agoncillo sa Batangas na ilikas ang mga residente sakaling lumala ang pagbubuga ng sulfur dioxide o asupre ng bulkang Taal.

Ayon kay Agoncillo Mayor Daniel Reyes, maaaring i-accommodate ang mahigit-kumulang isanlibong pamilya sa tatlong evacuation centers sa Barangay Poblacion, Pamiga at Pook na malayo sa 7-kilometer permanent danger zone.

Sakaling kulangin ay nakipag-ugnayan aniya sila sa pamahalaang bayan ng Lemery para sa emergency evacuation. Nasa lima hanggang anim na libo ang populasyon sa Barangay Banyaga, Bilibinwang at Subic Ilaya na naaapektuhan ng sulfur dioxide.

Bumili na ang municipal government ng N95 masks para ipamahagi sa mga apektadong residente habang naka-mobilize na rin ang emergency action center para maging maayos at mabilis ang evacuation plan.

Ipinaliwanag din ni Reyes na disiplinado na ang mga residente at hindi na kailangang puwersahin na lumikas dahil natuto na sila sa nangyaring pagputok ng bulkan noong nakaraang taon.