Mga re-electionist sa kampo ng mayorya ng Senado, naghihinanakit kay SP Pimentel dahil hindi naisama sa line-up ng PDP-Laban

Masama umano ang loob kay Senate President Koko Pimentel ng mga re-electionist mula sa kampo ng mayorya, na kinabibilangan nina Senators JV Ejercito, Cynthia Villar, Sonny Angara, Grace Poe, at Nancy Binay.

Ayon kay Senator Ejercito, ito ay dahil hindi ipinaglalaban ni Pimentel na mapasama sila sa binubuong pambato sa pagka-Senador ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa 2019 elections.

Ang pahayag ni Ejercito ay makaraang maglabas ng listahan si House Speaker Pantaleon Alvarez para sa posibleng mga kandidato ng PDP-Laban sa pagka-Senador.

Paliwanag ni Ejercito, bilang Pangulo ng  Senado at Pangulo din ng PDP-Laban ay nakakapaghinanakit na tila hindi binibigyang konsiderasyon ni Pimentel ang pagsuporta nila sa legislative agenda at administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Isa pang pinuna ni Ejercito, ang pahayag ng PDP-Laban na tanging ang sumusuporta lamang sa federalism ay ang may tsansa na mapasama sa senatorial ticket nito.

Katwiran ni Ejercito, bukas sila sa federalism pero mahalaga na ito ay kanila munang mapag-aralang mabuti. | via Jojo Ismael