Mga puna ng kritiko sa ‘LTO IT Project’, fake news

Denipensahan ng German Company na Dermalog Identification Systems ang information technology infrastructure project ng Land Transportation Office (LTO).

Tinawag ni Atty. Ingwar Grueneisen, abogado ng naturang kumpanya na nakabase sa Hamburg, Germany, na ‘fake news’ ang napaulat na may mga hindi ito nagawa at na-deliver sa kontrata nila ng LTO.

Aniya, ongoing ang implementasyon ng IT Data Center at Hardware Infrastructure ng LTO at nasusunod ang lahat ng kanilang obligasyon base na rin sa itinatakbo ng proyekto.

Dagdag pa nito, nasa pilot implementation pa rin ang proyekto at anomang delay sa ganito kalaking IT infrastructure project ay normal lang, lalo kung ang abala ay hindi kontrolado ng magkabilang partido.

Pinasinungalingan din ng legal counsel ang ulat sa pahayagan na may kinakaharap na kaso ang Dermalog sa Germany at Haiti.

Ang Dermalog ang pinakamalaking biometric company sa Germany at nanalong bidder para magtayo ng IT Data Center para sa mas maayos na serbisyo ng LTO sa plaka ng sasakyan at driver’s license.