Mga pulis sa likod ng ₱169-M drug bust sa Pasig, pinuri ni PNP Chief Gen. Eleazar

Pinuri ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang mga pulis na nasa likod ng pagkakasabat ng 22 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱169.9-na milyong piso sa Pasig kagabi.

Ang matagumpay na anti-drug operation ay bahagi ng “Coplan Chain Knuckle” na inilunsad ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR), at Bureau of Customs (BOC) sa Axis Road, Kalawaan, Pasig City.

Sa ulat ni PDEG Director Brig. Gen. Remus Medina, dalawa suspek ang namatay sa operasyon, kabilang ang isang Arthur Abdul alyas Abdul, matapos na makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad.

Base sa imbestigasyon ang mga suspek ay tauhan umano ng isang high Value drug target na si Michael Lucas Abdul, na una nang naaresto sa buy bust operation sa Dasmariñas, Cavite noong April 26.

Lumabas din sa inisyal na imbestigasyon na isang Muslim na nagngangalang alyas Bating na bodegero ng isang Tsino ang pinagkukuhanan ng iligal na droga ng mga napatay na suspek.