Mga pulis, pinaalalahanan ukol sa ‘cyber etiquette’ 

Pinalalahanan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng mga pulis ukol sa tamang “cyber etiquette” sa pagpo-post sa social media.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac, may umiiral na polisiya ang PNP ukol sa tamang “decorum” na dapat obserbahan ng PNP personnel sa lahat ng kanilang public engagements kabilang ang kanilang aktibidad sa social media platforms, chatgroups, at private sites.

Dito’y hinimok ni PNP Chief Police Gen. Archie Francisco Gamboa ang lahat ng PNP personnel na gamitin ang social media para lumikha ng “pro-active information and awareness activities” at bumuo ng magandang relasyon sa komunidad partikular sa panahon ng pandemic.

Ayon kay General Gamboa, ngayong nahaharap sa krisis sa COVID-19 ang bansa, ang tamang paggamit ng mga pulis sa social media alinsunod sa mga patakaran ng PNP ay makakatulong sa kampanya kontra sa sakit at maging sa Police operations.

Kaugnay nito, binigyang-diin ni Gamboa na ang anumang pahayag ng mga indibidwal na miyembro, grupo, o assosasyon ng PNP na walang kinalaman sa mga aktibidad ng organisasyon ay hindi opisyal na posisyon at hindi awtorisado ng PNP.