Mga pulis na natanggal sa serbisyo, posibleng nasa likod ng pagkakalat ng fake news laban sa PNP – Albayalde

Posibleng mga pulis na natanggal sa serbisyo o yung mga AWOL ang nasa likod ng pagkakalat ng fake news laban sa Philippine National Police.

Ito ang hinala ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na nagsabing mga pulis din kasi ang nakakaalam ng mga istilo ng mga kriminal na itinatampok sa fake news.

Una nang sinabi ni PNP Spokesperson Sr. Supt. Benigno Durana na vinerify nila ang mga kumakalat na mensahe sa text at social media tungkol sa mga umano’y panghoholdap sa mga restaurants at ang tatlo sa apat na binabanggit na insidente ay pawang walang katotohanan.

Sinabi ni Albayalde na inatasan na aniya niya ang PNP Anti-Cyber Crime Group na i-trace ang pinanggagalingan ng fake news para matukoy kung sino talaga ang nasa likod nito.

Bagama’t sinabi ni Albayalde na hindi pinaniniwalaan ng karamihan ang fake news tungkol sa pagtaas ng krimen, maaring ito ang nagbigay ng impresyon na magulo ang bansa. | ulat ni Leo Sarne