Mga pulis na naka-deploy sa BOL plebiscite, dapat nasa labas lahat – PNP Chief

Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde na ideploy lahat sa labas ang mga pulis na naka-assign sa Bangsamoro Organic Law (BOL) Plebiscite.

Sa kanyang regular Monday press conference, sinabi ng PNP chief na dapat ay minimal lang sa kanilang pwersa ang naka-standby bilang reserve at karamihan ay dapat nagpapatupad ng seguridad.

Ayon sa PNP chief, kasalukuyang nagbabantay ang 6,698 pulis sa 2,572 mga barangay sa ARMM, Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-tawi, para tiyakin ang seguridad ng mahigit dalawang milyong registered voters na lalahok sa plebisito ngayong araw.

Karagdagan pa aniyang 3,200 pulis ang idedeploy sa Pebrero 6 sa anim na munisipyo sa Lanao del Sur at Lanao del Norte, at sa 39 na Barangay sa North Cotabato para sa ikalawang yugto ng BOL plebiscite.

Sa ngayon aniya ay dalawang batalyon ang naka-standby na reserve force ng PNP sa Mindanao, na binubuo ng Special Action Force (SAF) battalion at Regional Mobile Force battalion mula sa CALABARZON.

Ang pwersa ng PNP ay nasa superbisyon ng Task Force BOL na pinamumunuan ni Police Deputy Director General Archie Francisco Gamboa. | ulat ni Leo Sarne