Mga pulis na naglakad ng isang oras sa bundok para tumulong sa buntis, pinuri ni Eleazar

Pinuri ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang mga pulis sa Natonin, Mountain Province na naglakad ng isang oras sa bundok para tulungang makarating sa ospital ang isang babaeng buntis.

Ayon kay Eleazar, nagsasagawa ng flag raising ceremony ang mga pulis ng Natonin Municipal Police Station noong Araw ng Kalayaan nang makatanggap sila ng tawag tungkol sa isang buntis ba kailangang dalhin sa ospital.

Agad nagtungo ang isang team na pinamumunuan ni SSG Darel Bacwadang sa Sitio Batnong sa Barangay Banawal para sumaklolo.

Naglakad ang mga pulis ng mahigit isang oras mula sa daan para marating ang liblib na Sitio sa kabundukan.

Pinagtululungan ng mga pulis na bitbitin ang buntis patungo sa kanilang sasakyan sa pamamagitan ng isang improvised strecher at maayos na nadala ito sa Anastacia Rafael Sagel Memorial Hospital sa Barangay Poblacion.

Ayon kay Eleazar, “Ipinakita lamang ni PSSG Bacwadang at mga kasama nito, na ang pulis na tunay at tapat sa serbisyo ay hindi napapagod sa pagresponde sa nangangailangan ng tulong.”

Hinimok naman ni Eleazar ang lahat ng pulis na tularan ang ehemplong ito sa pagresponde sa oras ng pangangailangan.

Photos courtesy of PNP PIO