Mga pulis na makakapatay sa kanilang superior na dawit sa iligal na droga, nilatagan ng gantimpala

Handang magpakawala ng gantimpala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis na makakapatay ng kanilang superior na sangkot sa iligal na droga.

Sa ginawang lecture ng Pangulong Duterte hinggil sa “militarization and drugs” sa Palasyo kagabi, inihayag ng Chief Executive na handa niyang gawaran ng gantimpala ang mga pulis na makakapatay ng kanilang superiors na tinaguriang “ninja cop.”

Sinabi ng Pangulo, na bukod sa premyo na tatlong milyong pisong gantimpala, may bonus pa itong trip to Hong Kong na pwede ring maipalit sa cash.

Siguradong hindi naman magpapahuli ang mga mas nakatataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang mga tauhan, dahil na rin sa kahihiyan at tiyak na manlalaban ang mga ito.

Kaugnay nito’y sinabi ng Presidente na kanyang gagantimpalaan ang pulis na nakapatay sa isang police superintendent na sinasabing drug protector sa Dipolog City. | ulat ni Alvin Baltazar