Mga pulis-Bulacan na umano’y nanggahasa sa buntis na ina sa harap ng kanyang sanggol, kukumprontahin ni PNP Chief Bato Dela Rosa

Batay sa reklamo ng 29 na taong gulang na biktima, halinhinan siyang ginahasa ng apat na pulis na nagsasagawa umano ng drug-operation sa isang bahay sa Barangay Bangkal, Meycauayan, Bulacan matapos palabasin ng mga pulis ang lahat ng tao sa bahay.

Kukumprontahin ni PNP Chief PDG Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang tatlong pulis-Bulacan na umano’y nanggahasa sa isang buntis na ina sa harapan ng kanyang anak sa Barangay Bangkal, Meycauayan, Bulacan.

Ayon kay PNP Spokesman CSupt John Bulalacao, magtutungo ngayong alas-10:00 ng umaga si PNP Chief sa Bulacan Provincial Police Office upang personal na kausapin ang mga akusadong pulis.

Una nang inihayag ni Bulalacao na hindi kinukunsinte ng PNP ang anumang maling gawain ng kanilang mga tauhan.

Tiniyak ni Bulalacao na iniimbestigahan na ng PNP ang naturang insidente at ang kaukulang administratibo at kriminal na kaso ay isasampa matapos mangalap ng ebidensya laban sa mga akusado, bilang bahagi ng “due process.”

Batay sa reklamo ng 29 na taong gulang na biktima, halinhinan siyang ginahasa ng apat na pulis na nagsasagawa umano ng drug-operation sa isang bahay sa Barangay Bangkal, Meycauayan, Bulacan matapos palabasin ng mga pulis ang lahat ng tao sa bahay.

Nagpaubaya na lang aniya siya matapos umanong magbanta ang mga pulis na ang kanyang 2-taong gulang na sanggol na kanyang kasama noong panahong iyon ang kanilang gagahasain kung papalag ang biktima.

Positibong kinilala ng biktima ang tatlong suspek na pulis na sina PO2 Jefferson Landrito, PO1 Marlo delos Santos, at PO1 Jeremy Aquino, nang ipresenta ni Bulacan Provincial Director SSupt. Romeo Caramat Jr. ang apat na pulis na umano’y nagsagawa ng drug operation. | via Leo Sarne