Mga pulis at sundalo na nagbigay ng seguridad sa Traslacion 2019, pinapurihan ni NCRPO Dir. Eleazar

Pinapurihan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar ang mga pulis at sundalo sa kanilang mahusay na pagpapatupad ng seguridad sa Traslacion 2019.

Kasabay nito nagpasalamat din si Eleazar sa sakripisyo ng mahigit 7,000 pulis at 2,000 sundalo na lagpas sa isang araw na naka-duty at halos walang tulog para matiyak ang kaligtasan ng mga debotong nakilahok sa aktibidad.

Batay sa estimate ni Eleazar humigit kumulang apat na milyon ang nakilahok sa taunang aktibidad.

Kumpara aniya sa nakalipas na taon, mas maayos ang pagdaraos ng okasyon sa taong ito.

May mga “lessons learned” din aniya ang PNP sa pagkakataong ito na magiging bahagi ng kanilang pagpaplano para sa susunod na taon.

Aniya, bubuo sila ng Technical Working Group at kanilang ikukunsidera ang scientific assessment para magkaroon ng mas-mahusay at mas “on-time” na crowd estimate. | ulat ni Leo Sarne