Mga protektor ng mga iligal na terminal sa QC, kakasuhan

Aminado ang Quezon City Task Force on Transportation and Traffic Management (QCTFTTM) na kontrolado ng mga protektor ang mga iligal na terminal sa Quezon City.

Nagbanta na si QCTFTTM Chief Ariel Inton na kakasuhan ang sinumang matutukoy na protektor ng illegal terminal ng tricycle, jeepney at UV Express na umuukupa sa mga kalsada at kanto ng mga kalye.

Kasabay nito ang paglalagay sa ayos ng mga terminal sa tamang lugar para gawin nang commuter friendly city ang Lungsod Quezon.

Ang hakbang ng task force ay alinsunod sa kautusan ni Mayor Joy Belmonte na ayusin ang mga terminal ng pampublikong sasakyan pati na ang pagtatalaga ng mga loading and unloading areas.

Ibinunyag din ni Atty. Inton na ilan sa mga protektor ng iligal na terminal ay mga pulis at opisyal ng gobyerno.

Madalas ang mga nakapila dito ay mga colorum at malaking pera ang kanilang kinikita.

Umapela na rin sa publiko si Atty. Inton na makipagtulungan at ibunyag ang mga pangalan ng mga protektor na kilala lamang sa kanilang mga alyas para masampahan ng kaukulang kaso.