Mga pribadong dealer ng bigas, binigyan ng ‘go signal’ ng Palasyo para makapag-angkat ng bigas nang higit sa minimum access volume

Maaari nang makapag-angkat ng bigas ang mga private rice dealers na lagpas sa minimum access volume.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mismong ang National Food Authority NFA) Council ang nagpatibay ng resolusyon para makapag-angkat ang mga pribadong rice dealers nang higit sa minimum access volume na itinatakda ng World Trade Organization o WTO.

Ipinaliwanag ni Roque na ang naturang desisyon ng NFA Council ay naglalayong mapababa ang presyo ng bigas sa merkado at madagdagan ang suplay nito.

Rice importation ng mga pribadong negosyante ang nakikita aniyang solusyon ng NFA Council upang tugunan ang problema sa tuluy-tuloy na pagsipa sa presyo ng bigas sa bansa.

Magugunitang noong Enero ay pinayagan ng NFA Council ang NFA na makapag-angkat ng 250,000 metric tons ng bigas mula sa Vietnam at Thailand subalit pagdating noong Hunyo ay hindi ito agad na naipamahagi sa mga NFA outlet sa boung bansa dahil sa masamang panahon kaya patuloy na nagkaroon ng NFA rice shortage na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa.  | ulat ni Alvin Baltazar