Mga preso na nakalaya sa ilalim ng GCTA, binigyan ng 15-araw ng Pangulo para isuko ang kanilang sarili

Binigyan ng 15-araw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa higit 1,000 convict na nakalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law upang isuko ang kanilang mga sarili sa pinakamalapit na police station o militar camp.

Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, dapat magkusa na ang mga ito na ipalista sa Bureau of Corrections (BuCor) ang kanilang mga sarili, maghanda sa imbestigasyon at manumpa na makikipagtulungan sa BuCor dahil kung hindi, ituturing na fugitive ang mga ito.

Sinabi rin ng Pangulo na sa susunod na tatlong araw, pag-iisipan niya kung maglalagay siya ng P1-milyong pisong patong sa ulo ng mga nakalayang convict sa sinumang makakahuli sa mga ito, dead or alive.

Aniya, galit siya sa pagkakalaya ng mga convict na ito, dahil ibinase ito sa maling interpretasyon ng batas.  Kaya’t nais niyang pabalikin sa kulungan ang mga ito kahit na walang warrant.

Wala aniya siyang pakialam kung ano man ang consequence ng kautusan niyang ito at handa ang Pangulo na harapin ito, ang importante ay maibalik sa kulungan ang mga nakalayang ito.