Mga posibleng police officials na protektor ng pulis na kasabwat ng 5 napatay na kidnapper, iniimbestigahan ng PNP-AKG

Iniimbestigahan ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group kung may mataas na police official na protektor si SPO2 Leo Pamunag, ang pulis na umano’y nagsupply ng mga uniporme sa mga “pekeng pulis” na napatay sa enkwentro sa San Pablo Laguna kamakalawa.

Ito ang sinabi ni PNP-AKG Director Glen Dumlao, matapos na maaresto si SPO2 Pamunag, na batay sa imbestigasyon ay kanang kamay ng nakakulong na drug lord na si Ricky Barrios.

Ayon kay Dumlao, si SPO2 Pamunag at Barrios ay magkababayan na tubong Passi, Iloilo, at karamihan sa mga miyembro ng kanilang Drug syndicate ay mga ilonggo.

Nagpahayag naman ng kalungkutan si Dumlao na may lumalabas na involved na pulis sa kidnapping incident na humantong sa madugong enkwentro sa San Pablo Laguna kamakalawa na ikinasawi ng isang pulis at limang suspected kidnappers.

Si PO2 Pamunag ay inaresto kasama ang dalawang iba pa dahil sa kanilang partisipasyon sa pandurukot sa suspected drug personality na si Rolando Arguelles.

Dalawa pang kasamahan nila ang hinahanap ngayon ng AKG at ito’y sina Camille Luisiges, ang girlfriend ni Ricky Barrios, at isang Boyet Arguelles na ama ng dating live-in partner ni Ricky at kamag-anak ng dinukot na si Rolando Arguelles.

Sinabi ni Dumlao na batay sa salaysay ng mga arestadong suspek, tina-target ng sindikato ang kanilang mga kakumpitensya sa droga.

Modus umano ng grupo na kikilan ang mga high value drug personalities para hindi kasuhan, tulad ng ginawa nila kay Arguelles, at ang nakukukuha nilang droga o ari-arian mula sa mga biktima ay ibinebenta din nila. | via Leo Sarne