Mga politikong nagpapatay ng kalaban sa politika, aalamin – PNP Chief

Pipigain ng Philippine National Police (PNP) para sa impormasyon ang mga arestadong miyembro ng notorious Peralta gun-for-hire group, tungkol sa mga kliyente nilang politiko na nagapapatay sa kanilang mga kalaban sa politika.

Sa kanyang regular Monday press conference, sinabi ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na may hawak na silang mga pangalan ng mga politikong kliyente umano ng grupo.

Pero hindi muna nila mailalabas ang mga pangalan hangga’t hindi nila mapapatunayan ang hawak nilang impormasyon.

Ang mga arestadong miyembro ng gun-for hire group ay kinilalang sina Dennis Matias, Mary Ann Mallari, Raymond Dequina, John Laña at Jackie Lou Isidro, habang ang kanilang lider na si Ricardo Peralta ay pinaghahanap pa sa ngayon.

Ayon kay PNP-Anti-Kidnapping Group Director CSupt. Glen Dumlao, walong kaso ng KFR o Kidnap For Ransom at 20 kaso ng gun-for-hire ang umano’y kinasasangkutan ng grupo.

Kasama sa kanilang mga biktima ang magkapatid na Ebeng at Erick Pascual ng Gapan, Nueva Ecija noong 2006.

Ang grupo rin ang umano’y responsable sa pagpatay kay Mayor Esteban Paulino ng Doña Remedios Trinidad, Bulacan noong 2010, at kay Atty. Augustus Cesar, VP for Admin ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), Sta. Mesa, Manila noong 2011.  | ulat ni Leo Sarne

Photo courtesy: PNP