Mga politikong gumagamit ng blinker at sirena, pinahuhuli ni PNP Chief Bato

Pinahuhuli ni PNP Chief PDG Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa Highway Patrol Group o HPG ang mga politiko na gumagamit ng mga blinker at sirena sa kalsada.

Ayon sa PNP Chief, walang authority ang mga politiko na gumamit ng mga ganitong accessories.

Tanging emergency vehicles lang aniya ang pinahihintulutan ng batas na gumamit ng blinker at sirena kabilang dito ang pulis, bumbero at ambulansya.

Ang paghihigpit sa mga illegal accessories sa mga sasakyan tulad ng mga maliliwanag na ilaw at wang-wang ay bahagi ng “Oplan disiplinadong driver” ng HPG.

Kahapon ay sinaksihan ni Dela Rosa at HPG Director CSupt Arnel Escobal ang pagsira sa libo-libong nakumpiskang iligal na ilaw at iba pang mga motoring accessories sa Camp Crame Grandstand.

Kasabay nito, dineputize din ng HPG ang 1,500 Grab drivers at riders sa Metro Manila bilang mga “road safety marshals” upang tumulong mag-report sa HPG ng mga samu’t saring paglabag sa batas trapiko sa daan. | via Leo Sarne