Mga pinatay ng NPA, narekober sa mass grave sa Bukidnon

Narekober ng isang interagency group na pinangungunahan ng mga tropa ng 10th Infantry Division sa ilalim ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom), ang mga labi ng tatlong biktima ng summary execution ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Digongan, Kitaotao, Bukidnon, kahapon ng umaga.

Ang mga labi ng mga biktima ay natagpuan sa isang mass grave, na natunton ng militar mula sa impormasyong ibinigay ng mga dating miyembro ng Komiting Rebolusyonaryo sa Municipalidad (KRM) na nagbalik-loob sa pamahalaan nitong August 7, 2019.

Kinilala ang mga labi ng mga biktima na sina: Joel Rey Miqu Galendez, isang retiradong pulis; Dionisio Camarullo Havana, isang Tribal Datu ng San Franz, Agusan Sur, at Army Sgt Reynante Havana Espana.

Photos courtesy of EastMinCom/Grace Saron/Arjoy Ceniza

Ang tatlo ay dinukot noong August 22, 2017, nang magsagawa ng road blockade ang NPA sa highway ng Bgy. Kalagangan, Kitaotao.

Ayon kay Maj. Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command, ang pamilya ni Sgt. Espana ay regular pang nagpapadala ng pera sa NPA hanggang nitong Hulyo 2019 para pantubos sa biktima, na itinigil nila nang walang maipakitang proof of life ang NPA.

Photos courtesy of EastMinCom/Grace Saron/Arjoy Ceniza

 

Ang mga labi ng mga biktima ay naiturn-over na sa kani-kanilang mga pamilya matapos ang legal at SOCO processing.

Ipinaabot ni EastMinCom Commander Lt. General Felimon T. Santos Jr. ang kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima, kasabay ng pagkondena sa ginawang lantarang paglabag ng NPA sa International humanitarian law.