Mga pinalayang heinous crime convicts lang ang kasama sa listahan na nakuha ng PNP sa BuCor

Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Deputy Spokesperson Lt. Col. Kimberly Molitas na mga heinous crime convicts lang ang kasama sa listahan ng mga pinalayang preso sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) na nakuha ng PNP sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ito aniya ang dahilan kung bakit may mga presong sumuko sa PNP na wala sa listahan ng BuCor.

Sa inilabas na datos ng PNP kaninang alas-7:00 ng umaga, 326 sa kabuuang 457 na presong pinalaya sa GCTA na sumuko sa PNP ang wala sa listahan ng Bureau of Corrections.

Ayon kay Molitas ang mga wala sa listahan ay may magagaang ang kaso na nabiyayaan din ng GCTA, na nagkusang sumuko.

Gayunpaman, una nang sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Maj. Gen. Guillermo Eleazar na itu-turn over nila sa BuCor ang lahat ng sumuko sa kanila at BuCor na ang bahala na mag-proseso sa mga ito.

Sa kabuuan ay 1,914 na heinous crime convicts na napalaya sa GCTA ang pinapasuko ng Pangulo bago ang kanyang itinakdang September 19-deadline.