Mga Pilipino, nabigyan muli ng pagkakataon na masilayan ang ‘blood relic’ ni St. Pope John Paul II sa paggunita sa kaarawan ng dating Santo Papa

Sa ikalawang pagkakataon nabigyan muli ng oportunidad ang mga Pilipino na masilayan sa tinatawag na ‘public veneration’ ang blood relic ni St. Pope John Paul II.

Ang three-day veneration sa Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila ay nagsimula pa noong araw ng Biyernes (May 18) bilang paggunita sa ika-98 taong kaarawan ng dating Santo Papa.

Patuloy ang pagdagsa ng mga Katolikong deboto na matiyagang pumipila upang malapitang makita, mahawakan at magdasal sa blood relic ng santo.

Batay sa iskedyul, bukas sa publiko ang huling araw ng public veneration ngayong Linggo simula pa kaninang alas-6:00 ng umaga hanggang alas-8:00 mamayang gabi.

Una dito, isang espesyal na mass for family and life ang isinagawa kahapon sa katedral na dalawa sa ‘major advocacies’ ni John Paul II.

Itinuturing na ‘most prized possession’ ng Manila Cathedral ang isa sa pitong ‘blood relic’ ni St. Pope John Paul II lalo pa at ito lamang ang nag-iisang liquid form relic ng santo sa Pilipinas.

Nitong Abril, isinapubliko sa kauna-unahang public veneration ang blood vial na nakalagay sa eksaktong kopya ng ‘reliquary’ na ginamit sa beatification at canonisation ni John Paul II sa St. Peter’s Square sa Vatican noong 2014.

Sa kanyang panunungkulan bilang lider ng simbahang Katolika magmula noong 1978 hanggang 2005, dalawang beses na bumisita sa bansa si St. Pope John Paul II. | via Shane Juan