Mga pekeng field trip sa kabundukan ngayong summer vacation, bagong istilo ng pagrerecruit ng NPA, babala ng PNP

Pinaalalahan ng Philippine National Police (PNP) ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak para hindi mabiktima ng pangrerecruit ng New People’s Army (NPA) ngayong summer vacation.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations Deputy Director General Fernando Mendez, ang bagong istilo ng NPA sa pagrerecruit ng mga kabataan sa mga paaralan ay sa pamamagitan ng pekeng field trip sa kabundukan.

Paliwanag ni Mendez, kahit na bakasyon ay kumikilos pa rin ang mga NPA sa mga paaralan at dumidikit sa mga makakaliwang samahan para makapag-recruit.

Sa ilalim ng recruitment process sinabi ni Mendez, na eenganyuhin ang mga kabataan sa pamamagitan ng fake field trip at dadalhin sila sa bundok kung saan sila mamamalagi ng isang linggo.

Sasamantalahin umano ng NPA ang pagkakataon para makuha ang simpatya ng mga kabataan at kung magustuhan nila ang buhay sa bundok ay tuluy-tuloy na itong ipapasok sa NPA.

Dito na aniya sinasanay ang mga kabataan sa combat exercises kung gusto nilang maging mandirigma o kung anumang trabaho ang napili nilang pasukin sa NPA.

Ayon kay Mendez, ang mas aktibong pagrerecruit ng NPA ngayon ay dahil sa nalagas na ang malaking bahagi ng kanilang pwersa sa dami ng mga nagsisuko nitong nakalipas na taon. | via Leo Sarne