Mga pasyente sa nasunog na bahagi ng PGH, mananatili muna sa mga ospital sa Maynila

Nananatili pa rin sa tatlong district hospitals sa Lungsod ng Maynila ang ilang pasyenteng naapektuhan ng nasunog na operating room-sterilization area ng Philippine General Hospital (PGH).

Sa inilabas na abiso ng Manila Public Information Office, 12 pasyente ang nasa Sta. Ana Hospital habang dalawa ay nasa Ospital ng Maynila na katatapos lamang sumailalim sa operasyon.

Mayroong apat na sanggol na dinala sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, aalagaan ng pamahalaang lungsod ang 18 pasyente. Binisita niya ang PGH kasama sina Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar at Deputy Chief Implementer National Task Force Against Covid 19 Secretary Vince Dizon upang personal na alamin ang dinulot na pinsala ng sunog na naganap noong madaling-araw ng Sabado.

Tiniyak din ng Alkalde na mamadaliin ang rehabilitation ng nasunog na ikatlong palapag ng operating room ng PGH.